Wikang Pambansa: Ang magpapalaya sa bansa sa trahedya ng pagkawala

Ang wika ay may kaugnayan sa lahat ng aspekto sa lipunan – pulitikal, sosyal, kultural, at ekonomikal. Hindi maaaring umusbong ang isang penomenon sa bansa na hindi dulot ng, o iniimpluwensiyahan ng wika. Sa ganitong pananaw, mahihinuha natin na lahat ng kaganapan sa bansa – mabuti man o hindi – ay nauugat sa wika. Ang sistema ng edukasyon, ang mga pulitikal na pagpapasya, ang namamayaning kaisipan at paradigm sa lipunan, komunikasyon sa loob at labas ng bansa, nauusong mga gawaing kultural o “cultural trends” at ang estado ng ekonomiya sa bansa – ito ay ilan lamang sa mga penomenong bumabalot sa bansa na hindi mapagkakailang tumubo mula sa ugat ng diskusyong may kaukulan sa wika. Ang wika, sa pagiging likas nitong sentro ng tinatawag na “National Concern”, ay likas ring nagbabago sa pangangahulugan at importansya sa paglipas ng panahon buhat ng iba’t-iba, at bagong nalilikhang mga kaisipan at persepsyon ukol sa gamit ng wika, at implikasyong sosyal at ekonomikal sa mga gumagamit nito. Sa nabanggit, ating makikita ang kapansin-pansing paghahari at manipestasyon ng wika sa lipunan kaya naman hindi kagulat-gulat na sa wika rin umiikot ang iba’t ibang suliranin na patuloy na nililito ang pambansang kamalayan, at hinihiwalay ang mga mamamayan sa aksyong pagpapalaganap ng nasyonalismo sa bansa. Ngunit sa pagpuksa ba ng mga balakid na ito, may kasiguraduhan bang mapalalaya at higit na mapauunlad ng wikang pambansa ang lipunang Pilipino? Ang mga sumusunod na pahayag ay naaayon sa kritikal na obserbasyon at pananaw nina De Quiros (1996), Constantino (1996), Arao (2007; 2010) at Geronimo (2012). Sa pamamagitan ng kanilang mga akda at mga ini-ambag na kaisipan ukol sa mga implikasyon sa wikang pambansa at sa mga gumagamit nito, aalamin natin ang iba’t-ibang suliraning panlipunan na sumibol mula sa maling persepsyon sa wika, maling gamit ng wika, at pagtatalo tungkol sa wikang dapat mamayani. Tutukuyin rin natin ang iba’t-ibang mukha ng wika ayon sa pananaw ng mga nabanggit na awtor, at tatarukin natin kung paano mapalalaya ng wika ang lipunang Pilipino.

Inilarawan ni Conrado de Quiros (1996) ang wika bilang isang instrumento para makapaghari. Ang paglaganap ng wikang Ingles ay lumilikha ng dibisyon sa pagitan ng mga naghaharing uri at pinaghaharian, at ng mga binabansagang “elite” sa lipunan at mga tinaguriang kabilang sa mababang estado sa lipunan. Hinahati nito ang mga mamayan sa dalawang kategoryang pinangalanang “superior” at “inferior”. Ang wikang Ingles ay nagiging instrumento upang maipakita kung sino ang kabilang sa naghaharing uri at kung sino ang hindi. Nagiging susi ito upang makabilang sa pangkat na itinuturing na nagtataglay ng kapangyarihan. Karamihan ng persepsyon na inaako ng mga gumagamit ng wikang Filipino ay ang pagtungo ng kanilang buhay sa pagiging kargador, at ang pagiging imposible ng kaganapan na sila’y maging tagapamahala ng malalaking korporasyon. Ang konsepto ng wika bilang isang simbolo ng kapangyarihan ay matagal nang naka-ukit sa kasaysayan ng Pilipinas. Isang katibayan ang pagkakait ng mga Kastila ng wikang Espanyol sa mga Pilipino upang ang sila [Pilipino] ay maipuwera sa alta sosyedad at mapigilan ang anumang pag-aaklas na maaaring umusbong kapag naunawaan ng mga mamamayan ang kanilang [Kastila] mga nais isagawa na plano. Sa kabaliktaran, ibinahagi ng mga Amerikano ang kanilang wika upang magkaroon ng malinaw na ugnayan sa pagitan nila at ng mga mamamayan. Sa ganitong pagpapasya, hindi nag-aklas ang mga Pilipino laban sa Amerika, kundi, sila pa ay naging masunurin. Hindi maitatanggi ang impluwensiya ng wika sa paghahati, at pagbubuklod ng mamamayan. Ngunit sa kasalukuyang panahon kung saan pinapalaganap ng mga pulitikal at edukasyual na institusyon ang paggamit ng Ingles, mas nagkakaroon ng espasyo sa pagitan ng mga mamamayang bihasa sa wika at mga mamamayang hindi.

Isa pang suliranin ang pagsasabatas ng mga anti-Filipino o anti-mamamayang polisiya.Hindi kagulat-gulat ang pagsasabatas ng mga polisiyang ito sapagkat pati ang mga iniluklok na mambabatas ay ang mga mismong bumabansot sa wikang pambansa. Paano uusbong ang binhi ng nasyonalismo sa puso ng mga mamamayan kung ang mga mismong naghahari sa kanila ay walang paninindigan sa paggamit ng wikang pambansa sa kanilang mga talumpati sa bayan, sa kanilang mga sesyon, at sa pagpapahayag ng mga plano at repormang makabayan? Bukod sa kabalintunaan ng pagdedeklara ng pagkakaisa sa pagitan ng mga mamamayan sa wikang Ingles, lingid din sa kapasidad ng ilan na unawain ang mga reporma, gayong ipinapahayag ito sa wikang hindi naman sa kanila. Ayon nga kay Jonathan Vergara Geronimo (2012), kung walang makitang pagkamakabayan sa mga opisyal ng pamahalaan, hindi dapat asahang agad sisibol ang binhing nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino na siyang magbubuklod sa kanila. Sa pamamahala ng mga ipokritong opisyal, hindi na nakagugulat ang mga polisiyang pabor sa pagtalikod sa wikang pambansa, at pagtanggap ng wikang dayuhan bilang pangunahing wika.  Ang House bill 4701 at EO 210, na parehong naglalayong palakasin ang Wikang Ingles imbis na ang Wikang Filipino, ay ang nag-udyok sa mga guro – na siyang pangunahing humuhubog sa ating kaisipan – na gawing midyum ng instruksyon ang wikang Ingles. Dahil idineklara ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa eskwelahan, nariyan ang inaasahang pagtaas ng English proficiency ng mga mag-aaral (Arao, 2007). Simula noon, Ingles na ang pangunahing wika sa apat na sulok ng silid-aralan. Kinalaunan, ang sistema ng edukasyon ay tuluyang nagbago. Ang noo’y midyum lamang ng instruksyon, ngayo’y wikang pankomunikasyon na. Sa pagnanais ng mga guro na maging bihasa ang mga estudyante sa Ingles, nagpapatupad sila ng mga “English speaking zone” sa kapaligiran at mga “Speak to me in English” na mga tag na inilalakip sa ID, na dapat sundin ng mga estudyante dahil sa nakatakdang kaparusahan sa paglabag dito. Mahirap isiping may kaukulang parusa ang pagsalita sa wikang sariling atin. Ang mga kautusan at polisiyang ito ang lumikha sa mga Pilipinong dayuhan sa kanilang sariling bansa, at ang nagdulot sa pagiging MAS Amerikano pa ng mga Pilipino kaysa sa Amerikano. Sa pangangampanya ng mga eskwelahan ng mga kaisipang kanluranin, nawawala ang atensyon o pokus sa pag-aaral sa pambansang kasaysayan at mga ambag sa daigdig ng kaisipan ng mga pantas ng sariling bansa (Constantino, 1996). Nagtuloy-tuloy na parang domino effect ang pagpapataas ng Ingles sa eskwelahan – naging mababaw ang edukasyon, nawala ang pagiging kritikal ng mamamayan, naging mangmang rin sila sa minanang kasaysayan ng bansa, aat tuluyang naakit ang mga estudyante sa mga kaalwanang materyal at aliwang hungkag (Constantino 1996) na walang saysay at walang kinalaman sa “National concern” at mga importanteng kaganapang pambansa. Sa madaling salita, nawala ang intellectual tradition ng mamamayang Pilipino. Naghari ang kolonyal – partikular na ang Kanluranin – na pag-iisip na lumilikha ng mga “mental educators” o mga misedukado. Naging mababaw rin ang tingin sa edukasyon, gayong ginagamit na lamang ito upang makakuha ng trabaho sa ilalim ng mga tinatawag na “elite” o yaong mga may kapangyarihan sa lipunan. Kapansin-pansin ang namamayaning kapitalismo sa kaisipan ng mga Pilipino dahil sa pasya nilang mas bigyang halaga ang pagsunod sa mga elitista kaysa sa pagpapayabong ng edukasyon. Dahil rin sa kapitalismo, ang Ingles ay mas pinaaangat sa paniniwalang ito ang susi sa matagumpay na ekonomiya. Mayroong paniniwalang ang Ingles ang solusyon sa krisis pang-ekonomiya ng bansa – na ito ang susi sa kaunlarang pang-ekonomika (de Quiros, 1996). Sa isang panig naman, ang Ingles ay magbibigay daan sa isang matagumpay na “export economy” (Arao, 2007). Ang lingid sa kaalaman ng nakararami, na sa pagpapalakas ng wikang dayuhan at pangangampanya ng Kanluraning kaisipan, nawawalan ng mga manggagawa ang bansa sa pagnanais nilang lumipad sa ibang bansa – dahilan upang mas lalong humina ang ekonomiya ng Pilipinas. Nakasaad sa artikulo ni Quiros ang hindi pagsasatupad ng Thailand ng malawakang pag-aaral sa Ingles upang maitaguyod ang malakas na ekonomiya nito sa turismo at teknolohiya. Sa kasamaang palad, hindi namulat rito ang gobyerno, kaya naman ang pagpapataas sa Ingles, na noo’y sa paaralan lamang ipinatutupad, ngayo’y sa lugar pangalakal na. Ang huli, at ang hindi maaaring makalimutang suliranin, ay ang pagkundena sa wikang Filipino bilang isang wikang pampropesyunal. Mapapansin ang balakid na ito sa dyaryong Pilipino, sa radyo, pati na rin sa persepsyon ng masa sa media. Ang “tabloidization” na makikita sa mga dyaryo sa bansa ay isang uri ng pagmamaliit sa wikang Pambansa. Bakit nga ba karamihan, kung hindi LAHAT ng broadsheet sa kasalukuyan ay nasa saitang Ingles? bakit ang mga tabloid ay nasa salitang Filipino? Isa itong insulto sa masa sapagkat may implikasyon na ang target audience ng mga broadsheet – na itinuturing na propesyunal, pormal, at may katuturan o saysay ang laman – ay mga dayuhan. isang insulto ang implikasyon na ang mga tabloid – na kadalasa’y naglalaman ng mga kaalwanang materyal, bastos na mga istorya, at mga artikulong hindi ipinapahayag sa matalinong paggamit ng salita – ay mga Pilipino ang target audience. Sa radyo, ang hindi higit na napapakinggan, ang “AM station”, ang kadalasang gumagamit ng wikang Filipino. Samantalang ang mga FM station, na higit na umaako ng mas maraming tagapakinig, ay nasa wikang Ingles. Mayroon ring malawakang persepsyon na ang mga “semi-local” na istasyon gaya ng CNN, na nagpapahayag ng mga lokal na balita sa midyum na Ingles, ay mas nagtataglay ng kredibilidad kaysa sa mga lokal na istasyon, kung saan ang wikang Filipino ay namamayani. Sa pagsusuri ng mga implikasyong ito, mahahalata ang imahe ng wikang Filipino bilang isang wikang pangkomunikasyon o pangkaramihan, at hindi wikang pang-akademiko.

Ang mga huling nabanggit ay ang pangunahing dahilan kung bakit ko tinahak ang daan ng pagiging isang Journalist o mamamahayag. Wala nang mas lalakas pa sa impluwensiya ng media, lalo na sa kasalukuyang panahon, kung saan naging laganap na ang pagsulong ng makabagong teknolohiya na ginagamit sa epektibong pamamahayag sa masa. Ang aking layunin sa pagpasok sa isang makapangyarihang institusyon gaya ng media –  bukod sa paghahatid ng balitang totoo, walang alterasyon, at walang pinapanigan – ay upang ipakita ang matalino at propesyonal na gamit ng wika. Nais ko ring impluwensiyahan ang masa upang huwag nilang hayaang maghari ang kolonyal na pag-iisip at pananalita. Sa rebolusyong magbabalik ng Pilipinas sa mapa, nais kong buhayin muli ang edukasyong hindi naka-sentro sa kapitalismo, kundi sa minanang pambansang kasaysayan, at mga ambag ng ating sariling pantas. Tuluyan na ring matutuldukan ang mga konsepto ng mga “elitista”, at mga “superior” na naghaharing-uri sa lipunan.

Sa kabuuan, may iba’t – ibang mukha ang Wika na pinakita ang mga awtor: Ang wika bilang instrumento sa kapangyarihan (De Quiros 1996), ang wika bilang susi sa pagbubuklod ng sambayanan (Arao, 2010), ang wika bilang instrumento sa pagyayaman ng edukasyon at kaalaman (Constantino 1996), ang wika bilang instrumento sa pamamahayag (Arao, 2007), at, sa kabuuan, ang wika bilang isang tagapag-unlad at tagapalaya (Geronimo, 2012).

Nakakatawang isipin na ang wika – na pangunahing instrumento sa komunikasyon, ang siya pang nagiging dahilan upang mahati, mawalan ng pag-uunawaan, at mawalan ng komunikasyon ang mga mamamayang Pilipino.

Sa bigat ng mga nabanggit na suliranin, mayroon pa ring akong natatanaw na pag-asa upang gawing wikang mapagpalaya ang Filipino mula sa pagiging wikang pinag-uugatan ng pagkasira ng lipunan at ng pagkakaisa ng mga kasapi nito. Ang una, ay ang pangangampanya ng wikang Filipino bilang ating pangunahing wika, at ang pagpapalakas ng wikang Ingles bilang ikalawang wika. Sa pamamagitan nito, mapapalaya ang lipunang Pilipino. Bakit ko nasabing mapapalaya ng Wikang Filipino sa trahedya ng pagkawala? Ano ang “pagkawala” na tinutukoy rito? Ayon nga kay Claro M. Recto, “Bawat bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip.” Sa pagpapataas ng wikang Ingles, nawawalan tayo ng identidad. Tayo ay gumagaya sa kultura ng iba. Sumusunod tayo sa Kanluraning kaisipan na nagdudulot ng pagkabura ng identidad ng Pilipino. Darating na lamang ang panahong tayo ay mababansagan na lamang na “little Americans” o “brown Americans”. Tayo rin ang bumubura sa mapa ng lahing Pilipino. Ikinakahon o ikinukulong natin ang identidad ng mga Pilipino sa Kanluraning pag-isip at pagkilos natin. Paano tayo makakalaya sa pagkakabilanggo natin sa kaisipan, gawi, pananalita, at kulturang kikitil sa buhay ng sarili nating lipunan? Paano tayo makatatakas sa kulturang lalamunin ang sariling atin? Ang paggamit ng sarling Wika ay magpapalaya sa lipunan dahil ang mga kasapi nito ay magkakaroon ng isang wikang magbubuklod sa kanila – isang wikang magpapatibay ng kanilang organisasyon (Arao 2010). Wala nang mas nararapat pang gawing wikang nagbubuklod kundi ang wikang bihasang bihasa ang mga kasaspi ng organisasyon o pangkat. Nang binigyang prayoridad ang Wikang Ingles, nawalan ng kalayaan ang mga mamamayan na magsalita at magpahayag ng dadamdamin at palaisipan. Sa ganitong sitwasyon kung saan nililimitahan sa Ingles ang wikang maaaring gamitin ng isang taong bihasa sa Filipino, kinakailangan munang pag-aralan ang Ingles – ang kahulugan ng mga salita, gramatika, sintaks, at pati na rin ang pagsambit sa mga salita nito. Dahil sa mga restriksyong ito, hindi lamang ang lipunan at kulturang Pilipino ang binibilanggo ng Ingles, kundi pati ang daloy ng kaisipan, kamalayan, impormasyon, at damdamin dahil napipipi ang mga mamamayan sa kadahilanang hindi nila maunawaan at masalita ang lenggwaheng hindi naman pamilyar sa kanila ngunit sila’y pinipilit gamitin. Ang tanging magpapalaya lamang sa lahing Pilipino na pilit na nagpupumiglas sa pagkakakulong ay ang wikang Filipino na pagsisibulan ng nasyonalismo sa puso ng mga gumagamit nito. Ang wikang Filipino ang magbibigay-daan sa pagkakaisa at pagbubuklod ng mga mamamayan. Sisirain nito ang dibisyong naghahati sa lipunan ayon sa kanilang katayuan, na sinukat base sa galing ng kanilang mga dila sa wikang dayuhan. Ang pagbubuklod-buklod na ito ang pag-uugatan ng isang matibay na lipunang Pilipino -isang matibay na lipunang ATIN.

Sanggunian

Arao, D. A. (2010). Ano ngayon kung jejemon? Pinoy Weekly. Retrieved from http://http://pinoyweekly.org/new/2010/06/ano-ngayon-kung-jejemon/

Arao, D. A. (2007, August 2). Pamamahayag, ekonomiya at wika. Pinoy Weekly. Retrieved from http:// http://www.pinoyweekly.org/pw6-30/op_ed-6_30_3.htm

Constantino, R. (1996). Intelektewalismo at wika. In Constantino, P.C., & Atienza M. (Eds.) Mga piling diskurso sa wika at lipunan (pp. 47-52). Quezon City: University of the Philippines Press.

De Quiros, C. (2010). Wika Ng Kapangyarihan, Kapangyarihan Ng Wika. Retrieved from http://http://www.thephilippineliterature.com/ang-kapangyarihan-ng-wika-ang-wika-ng-kapangyarihan/

Geronimo, J. V. (2012). Nasyonalisasyon ng Kultura, Pulitika at Ekonomya: Ang Paglalakbay ng Wikang Filipino at Bansang Pilipinas Tungo sa Paglinang ng Adhikaing Pilipinismo at Pagpapalaya. Retrieved from http://www.scribd.com/doc/103206490/Gawad-KWF-Sa-Sanaysay-2012

Leave a comment